Nanawagan ang Akbayan Party-list sa Commission on Elections (Comelec) na i-diskwalipika ang mga party-list na sangkot umano sa vote buying.
Magugunitang nakakuha ang akbayan ng 168,642 votes o zero point 63 percent, mababa sa 2 percent na kailangan upang makakuha ng pwesto sa Kamara.
Ayon sa Akbayan, nakatanggap sila ng mga ulat na mayroong ilang party-list groups na bumibili ng boto at ilang boto para sana sa Akbayan ay hindi ini-rehistro sa final tally.
Samantala, nakatakda namang magpatawag ng imbestigasyon si Senador Risa Hontiveros kaugnay sa pagka-delay ng mga resulta mula sa transparency servers noong halalan.
Dayaan umano sa eleksyon iprinotesta
Iprinotesta ng ilang progresibong grupo ang umano’y maanomalyang 2019 midterm elections.
Sumugod sa tapat ng tanggapan ng Commission on Elections (Comelec) sa Palacio del Gobernador sa Intramuros, Maynila ang mga grupong Gabriela, Akbayan at Kabataan upang igiit ang transparency mula sa poll body.
Kinukuwestyon din ng mga nasabing grupo ang mga non-marginalized party lists na inaprubahan ng Comelec na tumakbo sa halalan.
Kabilang ang Gabriela, Akbayan at Kabataan sa mga hindi nakapasok sa party list race batay sa partial at unofficial count ng Parish Pastoral Council for Responsible Voting (PPCRV).