Obligado na ang mga pampublikong transportasyon na magbigay ng diskwento sa pasahe ng mga estudyante.
Ito ay matapos lagdaan na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Republic Act 11314 o Student Fare Discount Act na naglalayong gawing permanente ang 20 percent student fare discount.
Sakop ng batas ang mga public utility vehicle tulad ng bus, jeep, taxi, tricycle, tren, eroplano at iba pa habang hindi naman saklaw dito ang mga shuttle, school service at tourist services.
Kinakailangan lamang magpakita ng school ID o Identification Card o enrollment form ang mga mag-aaral na mag-a-avail ng student discount.
Batay sa isinasaad ng batas, maaari namang maharap sa reklamo sa LTFRB, Maritime Industry Authority, Civil Aeronautics Board at Department of Transportation ang mga tatangging magbigay ng diskwento.
Habang posibleng patawan ang mga mapatutunayang lumabag ng multang nagkakahalaga ng isa hanggang 15,000 piso, suspensyon ng lisensiya o pagkansela sa prangkisa.