Inatasan na ni Philippine National Police o PNP Chief P/Gen. Guillermo Eleazar ang PNP Internal Affairs Service (IAS) para madaliin ang ginagawa nilang dismissal proceedings laban sa isang Non Uniformed Personnel ng Pulisya na nabistong opisyal pala ng bandidong Abu Sayyaf.
Ito’y makaraang maaresto si Masckur Adoh Patarasa matapos siyang pagsilbihan ng arrest warrant dahil sa pitong kaso ng kidnapping for ransom at serious illegal detention gayundin sa Martial Law Arrest Order number 1 dahil sa pakikiisa nito sa madugong Marawi siege noong 2017.
Ayon kay Eleazar, kasalukuyan na nilang inaalam kung may iba pang mga katulad ni Patarasa na isang bandido na ginagamit ang uniporme ng Pulisya para wasakin ang imahe nito sa publiko dahil sa kanilang iligal na aktibdiad.
Inaalam na rin nila kung paano nakapasok sa kanilang hanay si Patarasa na may patumpatong na kaso palang kinahaharap dahil sa pagiging bandido.
Ito ang dahilan ayon kay Eleazar kaya’t pinaiigting ng PNP ang kanilang recruitment process upang masala ang mga bagong dugo ng Pulisya mula sa mga masasang elemento na ang layunin ay maghasik lang ng takot at pangamba sa mga Pilipino.