Pinagtibay pa ng Commission on Elections (COMELEC) en banc ang disqualification case ni Albay Governor Noel Rosal dahil sa pamamahagi nito ng ayuda sa mga tricycle driver at senior citizens na mahigpit na ipinagbabawal sa panahon ng halalan.
Sinabi ng COMELEC en banc na wala itong nakitang bagong dahilan para baligtarin ang naunang desisyon ng COMELEC first division na unang nag-diskwalipika kay Rosal noong Setyembre.
Nag-ugat ang kaso ni Rosal sa isinampang kaso ni Joseph Armogila na natalo para sa pagka-konsehal ng Legaspi City, Albay.
Ayon kay Armogila, nilabag umano ni rosal ang paragraph A at E ng Section 68 ng Omnibus Election Code nang mamahagi ito ng tulong-pinansyal para sa mga tricycle drivers at senior citizens habang umiiral ang 45 days na election spending ban.
Mababatid na mahigpit na ipinagbabawal ang pamamahagi ng anumang pabor sa panahon ng spending ban maging ito man ay para sa “social welfare and development projects and activities, maliban na lamang kung ito ay para sa pagpapasahod ng mga empleyado ng gobyerno at Comelec-authorized spendings. —mula sa panulat ni Hannah Oledan