Dapat kusa nang ibasura ng Commission on Elections o COMELEC ang lahat ng disqualification cases laban kay Senador Grace Poe na nakaangkla sa pagkuwestyon kung siya ay natural born filipino o hindi.
Ayon kay Atty. Romulo Macalintal, isang election lawyer, resulta ito ng domino theory kasunod ng pagbasura ng SET o Senate Electoral Tribunal sa kasong kumukuwestyon sa citizenship ni Poe.
Maliban sa residency issue, halos lahat aniya ng kaso laban kay Poe na nakahain sa COMELEC ay patungkol sa di umano’y pagsisinungaling nito nang ilagay nya sa kanyang certificate of candidacy na siya ay isang natural born Filipino.
“Yan ay petition to cancel her COC for President, kapag ang kandidato ay gumawa ng kasinungalingan sa kanyang COC na naglalayon na ang taong bayan ay linlangin ngayon dahil sa gumawa na ng desisyon ang Senate Electoral Tribunal, ano pa ang katibayan na nililinlang niya ang taong bayan sa kanyang qualification eh ganung ang SET na mismo, the sole authority kaugnay ng nasabing isyu ang nagsabing siya ay natural-born.” Ani Macalintal.
Kasabay nito, sinabi ni Macalintal na kumbinsido syang maibabasura rin ang kasong kumukuwestyon sa residency status ni Poe bago siya tumakbong senador.
Ayon kay Macalintal, sapat na ang panahong inilagi ni Poe sa Pilipinas para maging kuwalipikado siya noong tumakbo bilang senador.
“Siya naman ay tumira na sa Pilipinas noong 2005 pa matapos mamatay ang kanyang ama although nung naninirahan siya dito siya ay American citizen pa, kahit ikaw ay American citizen at nanirahan ka sa Pilipinas, at later naging Filipino citizen ka, yung paninirahan mo sa Pilipinas bilang American citizen binibilang din yun na kasama doon sa period of residency.” Pahayag ni Macalintal.
By Len Aguirre | Balitang Todong Lakas