Nanawagan ang isang mambabatas sa pamahalaan na gawing patas ang distribusyon ng mga suplay ng bakuna kontra COVID-19 sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Ayon kay House Committee on Ways and Means Chair, Congressman Joey Salceda na ito’y dahil mahalaga ang bakuna sa panahong ito lalo na’t hindi pwedeng may maiwanang lugar sa bansa ang wala nito.
Dagdag pa ng mambabatas na ang bakuna kasi ay isa sa mga susi para makabangong muli ang ekonomiya ng bansa.
Kinwestyon din ni Salceda ang estratehiya ng pamahalaan sa pamamahagi ng bakuna na tila may pinagtutuunang mga lugar gaya ng Metro Manila.
Ibig sabihin ani Salceda ay hindi magiging ligtas ang Metro Manila kung hindi rin protektado ng bakuna ang Bicol Region na kanyang pinagmulan.
Kasunod nito, sinabi ng mambabatas na ang Bicol ay isa sa mga pinakahandang lokal na pamahalaan pagdating sa usapin ng paghawak ng bakuna maging ang pagtuturok nito.
Sa huli, nanawagan si Salceda sa pamahalaan na palitan nito ang pinapairal na estratehiya gayundin ang hakbang na ginagawa ng iba’t-ibang sangay nito pagdating sa usapin ng pamamahagi ng bakuna kontra COVID-19.