Inaasahan ng Department of Interior and Local Government (DILG) na makukumpleto na sa Agosto a-15 ang digital na pamamahagi ng ikalawang tranche ng ayuda sa ilalim ng social amelioration program (SAP).
Ayon kay DILG Secretary Eduardo Año, nasa mahigit 71,700 mga benepisyaryong pamilya na kabilang sa waitlisted ang nakatanggap na ng ayuda sa ilalim ng SAP-2.
Ipinamahagi aniya ang ayuda sa pamamagitan ng mga financial service providers.
Dagdag ni Año, nagsimula na rin ang digital disbursement ng ikalawang tranche ng ayuda sa mahigit 1.5-milyong pamilya na kabilang sa listahan ng mga orihinal na benepisiyaryo sa Caloocan, Makati, Pasig at Quezon City.
Labing anim na libong pisong (P16,000) ayuda ang matatanggap ng mga waitlisted family beneficiaries habang P8,000 naman sa mga pamilyang kabilang sa orihinal na benepisyaryo at nakatanggap na ng unang tranche noong Abril hanggang Mayo.