Kinasuhan na ng pamahalaang lokal ng Malabon ang Dito Telecommunity Corporation dahil sa umano’y ilegal na pagtatayo ng cell site sa lungsod.
Ayon kay City Engineer Christian Uriarte ng Malabon City Engineering Office, ang Dito, ang third telco ng bansa, ay tatlong beses nilang pinadalhan ng violation notice na binalewala lamang ng kompanya.
Ang mga sinampahan ng kasong paglabag sa Section 301 ng Presidential Decree 1096 o ang National Building Code of the Philippines sa Malabon City Prosecutor’s Office noong Disyembre 15, 2020 ay sina engineers Hue Jidong, 54 at Jockey Mediola, 44; kasama ang mga trabahador na sina Pablo Peralta, 49, steel man; Wilfredo Magtalas, 41, mason; Fredison Gagarin, 41; Sancho Villanueva, Jr., 44; Jomar Reyes, 21; at Raymond Bayan, 34.
Lumitaw sa imbestigasyon na ang mga akusado ay inaresto ng mga awtoridad makaraang mahuli silang nagtatayo ng cell site para sa Dito na walang permit sa Barangay Tinajeros, Malabon City noong Disyembre 2020.
Sa pagsasampa ng kaso laban sa Dito ay binigyang-diin ni Uriarte na walang puwang sa Malabon City ang mga pasaway na negosyante kung hindi sila marunong sumunod sa papasuking siyudad.
Hindi na tama ang ginagawa nilang pambabastos sa LGU kaya tama lang na hulihin at kasuhan sila ng paglabag sa National Building Code of the Philippines,” ayon kay Uriarte.