Muling tiniyak ng third telco player na DITO Community na wala silang makukuhang anumang classified na impormasyon mula sa Armed Forces Of The Philippines (AFP).
Ito ang iginiit ng DITO Community sa gitna na rin ng pangamba sa usaping seguridad.
Kasunod ito ng paglagda ni Defense Secretary Delfin Lorenzana sa kasunduan na nagbibigay pahintulot sa DITO na magtayo ng pasilidad at maglagay ng mga equipment sa loob ng mga military camp.
Ayon kay Dito Chief Administrative Officer Adel Tamano, ginagarantiyahan ng kumpanya na hindi magagamit sa pagkuha ng mga classified na impormasyon ang kanilang mga aparato, kagamitan at istraktura.
Iginiit ni Tamano, may ipinatutupad na mahigpit na protocols ang AFP upang hindi mapahintulutan ang sinumang dayuhan na magsagawa ng mga sensitibong technical work sa loob ng mga kampo militar.
Magugunitang ilang mga mambabatas at mga grupo ang nagpahayag ng pangamba sa posibilidad na maging bukas ang bansa mula sa pag-iispiya ng gobyerno ng China oras na magtayo na ng tore ang DITO Community sa mga military camp.