Namemeligrong mahirapan ang DITO Telecommunity Corporation na tugunan ang nalalabi nitong roll-out sa gobyerno sa 2024 dahil sa mahinang demand mula sa institutional investors.
Dahil sa kawalan ng kumpiyansa ng mga investor, kinansela ang 8 billion peso stock rights offering (SRO) ng DITO CME Holdings Corporation, ang majority stockholder ng DITO Telecommunity, kaya’t humingi ng tulong ang naturang telco sa foreign lenders.
Ito ay sa gitna ng pagbaha ng mga reklamo sa palpak umanong serbisyo ng DITO, partikular ang mahina o kawalan ng signal, mabagal o kawalan ng internet connection, hindi gumaganang application at pagiging incompatible ng sim cards sa ibang phones.
Ang kanselasyon ng SRO ay nagdulot ng pagdududa sa naging pahayag ng dito na kaya nitong ibigay sa publiko ang uri ng serbisyong hindi naipagkaloob ng Globe at PLDT-Smart.
Ayon sa industry sources, may ‘pressure’ ngayon sa dito na makakuha ng karagdagang pondo para sa DITO Telecommunity sa lalong madaling panahon.
Kung mabibigo ang nabanggit na telco sa commitment nito sa gobyerno na makapag-latag ng maayos na serbisyo ay posibleng tanggalan ito ng prangkisa at malugi ang bilyun-bilyong pisong performance bond.
Sa kasalukuyan, mayroon ng limang milyong subscribers ang DITO at target maabot ang 12 million ngayong taon sa pagtatayo ng karagdagang cell sites sa mga bagong lokasyon.