Mahigit dalawang buwan bago mag-Pasko, patuloy na dinudumog ng mga mamimili ang Divisoria, Maynila.
Sinasamantala ng mga early christmas shopper ang maluwag na COVID-19 restrictions lalo’t mananatili sa alert level 2 ang Metro Manila hanggang November 30.
Sa pag-iikot ng DWIZ, dakong alas-9 ng umaga nagsisimulang bumuhos ang mga mamimili, lalo tuwing weekend kaya’t ilang help desks ang itinalaga ng manila police district.
Ilan sa mga ito ay ipinoste sa mga kanto ng Juan Luna; Dagupan Street at CM Recto Avenue upang mapanatili ang kaayusan at matiyak na sumusunod ang publiko sa minimum health standards.
Bukod sa bahagi ng ilaya street at Santo Niño De Tondo Church, kabilang din sa tinututukan ng MPD ang paligid ng Tutuban, 168, 999 at divisoria malls sa tabora street na karaniwan ding puntahan ng mga online seller.
Sa ilalim ng alert level 2, pinapayagan ang indoor operation ng mga establisimyento sa 50% capacity habang 70% sa outdoor capacity.—mula sa panulat ni Drew Nacino