40 araw bago mag-pasko, patuloy na dinaragsa ng mga mamimili ang Divisoria, Maynila.
Sinasamantala ng mga early Christmas shopper ang maluwag na Covid-19 restrictions lalo’t mananatili sa alert level 2 ang Metro Manila hanggang November 30.
Sa pag-iikot ng DWIZ kahapon, karaniwang bumubuhos ang mga mamimili dakong alas nwebe ng umaga lalo tuwing weekend kaya’t ilang help desks ang itinalaga ng Manila Police District.
Ilan sa mga ito ay ipinoste sa kanto ng Juan Luna, Dagupan at C.M. Recto avenue upang mapanatili ang kaayusan at matiyak na sumusunod ang publiko sa minimum health standards pero may ilang pasaway na nasisita.
Bukod sa bahagi ng Ilaya street, kabilang din sa tinututukan ng MPD Ang paligid ng Tutuban, 168, 999 at Divisoria malls sa Tabora street na karaniwang dinarayo ng mga online seller.
Sa ilalim ng alert level 2, pinapayagan ang indoor operation ng mga establisyimento sa 50% capacity habang 70% sa outdoor capacity. —sa panulat ni Drew Nacino