(Updated)
Nakapasa na sa House Committee on Population and Family Relations ang consolidated version ng mga panukalang diborsyo at Dissolution of Marriage Bill.
Sa ilalim ng nasabing batas, ginamit na mga grounds ang mga kasalukuyang batayan para sa paghihiwalay o pagpapawalang-bisa sa kasal ng isang mag-asawa.
Ilan sa mga ito ay ang pambubugbog, pagpilit sa asawa na magpalit ng relihiyon at pananaw sa pulitika, drug addiction, pagkalulong sa alkohol, kung nakulong ng aabot sa anim na taon at kung hindi na nagsasama ang mag-asawa sa loob ng limang taon.
Ituturing na ring indigent o maralita ang petitioner kung mas mababa pa sa 5 milyong piso ang kita at halaga ng mga ari-arian nito kaya’t libre na siya sa serbisyo ng abogado, social worker, psychiatrist, psychologist at libre na ang filing fee.
Nagtakda naman ng pagpipilian sa batas hinggil sa alimony o sustento kung maaari itong gawing one time o periodic na nakadepende sa kasunduan gayundin sa kakayahan ng magkabilang panig.
Magkakaroon din ng summary proceedings sa kaso upang mapabilis ang proseso ng diborsyo kahit wala pang isang taon.
Kaugnay nito, itinuturing nang malaking hakbang ng Gabriela Party-list ang paglusot ng divorce bill kahit sa committee level pa lamang.
Ayon kay Gabriela Party-list Representative Emmi de Jesus, ito na ang pinakamalayong narating ng divorce bill samantalang sinimulan nila ang paghahain nito noon pang 13th Congress.
Umaasa si De Jesus na lulusot din ito sa plenaryo at makakakuha ng kahalintulad na suporta sa Senado.
“Naging popular na kasi ang divorce eh at ang pagkilala rin naman ng publiko na may mga mag-asawa na dumadating doon sa puntong dahil sa mga iba’t ibang reyalidad ay hindi na maganda at wala na ang mga sangkap ng malusog na relasyon.” Ani De Jesus
By Len Aguirre / (Balitang Todong Lakas Interview)