Sinimulan ng isalang sa plenary debates ng Kamara ang Divorce Bill sa kabila ng banta ng isang Kongresista na magiging dahilan umano ito pagkasira ng tradisyunal na pamilyang Pilipino.
Tiniyak ni Albay 1st Dist. Rep. Edcel Lagman na ang pagbibigay karapatan sa mga mag-asawang wala ng pag-asang magkasundo na mag-diborsyo ay hindi naman makasisira sa ilang siglong tradisyon ng mga Pinoy na kumikilala sa ka-sagraduhan ng kasal.
Ito, anya, ay dahil mayorya naman ng mga mag-asawa ay mayroong maayos na pagsasama at kahit may mandato ang gobyerno na protektahan ang kasal bilang isang “inviolable social institution,” dapat pa ring tulungan ang mga magkabiyak na may relasyong malabo ng maayos.
Ipinaliwanag ni Lagman na hindi naman perpektong “institusyon” ang kasal lalo’t bantad pa rin ito sa kabiguan o kamalian at sa ilang pagkakataon ay maaaring gumuho at malanta dahil sa karupukan at limitasyon ng tao.
Ipinunto ng mambabatas na hindi dapat pabayaan ng estado ang mga mag-asawa maging ang kanilang mga anak sa isang mabigat na sitwasyon na kinakaharap ng kanilang pamilya.