Dismayado ang Department of Migrant Workers (DMW) matapos hindi maabisuhan sa nangyaring aberya sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) noong bagong taon.
Matatandaang nagkaroon ng technical glitch sa gitna ng operasyon dahil sa nasirang circuit breaker ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) dahilan para makansela ang mga biyahe ng libu-libong mga pasahero.
Ayon kay DMW Secretary Susan “Toots” Ople, hindi sila agad natawagan ng CAAP at Manila International Airport Authority (MIAA) para abisuhan hinggil sa sitwasyon sa naia dahilan para maapektuhan din ang flights ng mga oversease filipino workers.
Sinabi ng kalihim, na dapat magkaroon ng memorandum of agreement sa pagitan ng dalawang attached agency ng Department of Transportation (DOTr) para agad na maibigay ang mga pangangailangan ng mga ofw na itinuturing na mga bagong bayani ng bansa.
Iginiit ni Ople, na kailangang mapanatili ang mahigpit na pakikipag-ugnayan ng mga nabanggit na ahensya sa DMW upang maibigay nila ang nararapat na aksiyon para sa mga ofw.
Bukod pa dito, plano din ng opisyal na makabuo ng quick response team na pangungunahan ni DMW Undersecretary Hans Leo Cacdac.