Muling binalaan ng Department of Migrant Workers ang mga Filipino laban sa travel consultancy firms na nag-aalok ng trabaho sa ibang bansa.
Ipinaalala ni DMW Secretary Susan Ople sa mga pinoy na naghahanap ng trabaho sa ibayong-dagat na iwasang makipagtransaksyon dahil iligal ang mga ito.
Ayon kay Ople, kulungan ang naghihintay sa mga nagpapatakbo ng mga travel consultancy firm matapos ipasara ng Anti-Illegal Recruitment Branch ng philippine Overseas Employment Administration ang isang kompanya sa pampanga na nag-aalok ng trabaho sa poland.
Natuklasan anya ng survellaince operations ng AIRB ang nasabing kompanya sa ilalim ng travel consultancy firm na nag-aalok ng trabaho sa Poland para sa truck drivers, welders at factory workers na may buwanang sahod na 35,000 hanggang 124,000 pesos.
Nangongolekta din ito ng processing fees na aabot sa P122,000 mula sa mga aplikante.
Gayunman, inihayag ng kalihim na hindi lisensyado ang nasabing kumpanya bilang recruitment agency at walang anumang validated na mga job order sa ibang bansa.
Sinampahan naman ng mga kasong illegal recruitment ang kompanya matapos itong ipasara habang hinimok ni ople ang mga biktima na makipag-ugnayan sa DMW o direktang iulat ang kanilang mga kaso sa pamamagitan ng Facebook page ng AIRB o sa kanilang hotline sa 63-2-8721-0619.