Pinaalalahanan ng Department of Migrant Workers (DMW) ang publiko na mag-ingat laban sa mga illegal recruitment na nag-aalok ng mga pekeng trabaho sa ibang bansa.
Ginawa ni DMW Undersecretary for Welfare and Foreign Employment Hans Leo Cacdac ang pahayag, matapos na makatanggap ng ulat na tumataas ang kaso ng mga Pilipinong nabibiktima ng Cybercrime at Human Trafficking Syndicates sa mga bansang Cambodia, Laos, at Myanmar.
Sinabi ni Cacdac na karamihan sa mga naging biktima ang nahikayat dahil sa mga social media advertisements na nag-aalok ng mga trabaho-abroad, gaya na lamang ng Customer Representative, Technical Support, Data Encoder, Call Center Agent, at iba pa.
Napaka-common aniya ng mga trabahong ito kayat napakabilis na makaakit ng tao.
Maliban dito, ipinapain din ani Cacdac ang libreng plane ticket o kaya’y sasabihin ng illegal recruiter na hindi na kailangan ng Visa sa kanilang pupuntahang bansa.
Ngunit sa katotohanan, wala naman talaga aniyang Visa para sa mga turistang magtutungo sa mga bansang miyembro ng asean tulad ng Cambodia, Laos at Myanmar.