Ilulunsad ng Pamahalaan ang One Repatriation Command Center (ORCC) upang matulungan ang mga distressed Overseas Filipino Workers.
Sa panayam ng DWIZ, sinabi ni Department of Migrant Workers secretary Susan “Toots” Ople, na makakatulong ang ORCC upang maibsan ang anxiety ng mga pamilya ng mga OFW dahil natutugunan ang kanilang mga idinudulog sa ahensya.
Maaari aniyang tumawag ang mga distressed OFWs, maging ang kanilang mga pamilya sa ORCC hotline na 1-348.
Una rito, sinabi ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa kanyang SONA kahapon, na bubuuin ang ORCC upang agad na matulungan ang mga OFW na naiipit sa kaguluhan, inaabuso at nanganganib ang buhay.
“Yung magulang na galing pa sa probinsya, mamamasahe pa ‘yan, mangungutang pa ‘yan, makikitira dito sa Maynila para lang makahingi ng tulong, mari-patriate yung mahal niya sa buhay. Dito tatawag ka lang sa 1348, and may sasagot doon, and kukunin yung mga detalye, and kami na yung magta-trabaho para mapa-uwi yung worker,” pahayag ni Ople, sa panayam ng DWIZ.