Nagpositibo sa DNA test ang mga ebidensyang nakuha mula sa loob ng Aegis Juris frat library.
Ayon sa hepe ng Philippine National Police (PNP) DNA Crime Laboratory na si Chief Inspector Lorna Santos, tumugma ang DNA sample ng mga magulang ni Horacio ‘Atio’ Castillo III sa DNA na nakuha sa paddle sa loob ng Aegis Juris frat library.
Dahil ditto, lumalakas aniya ang posibilidad na sa loob ng frat library ginawa ang hazing kay Atio.
99.99% aniyang nag-match ang buccal swab ng mga magulang ni Atio at ang body fluid na natagpuan sa paddle.
Bukod dito, nag-positibo rin sa DNA test ang dugo sa retaso ng damit ni Atio na nakuha sa ospital na pinagdalhan dito.
Isinailalim din sa DNA test ang retaso ng isang boxer shorts ngunit nag-negatibo ito.
BREAKING: DNA ng mga magulang ni Horacio “Atio” Castillo III tumugma sa DNA na nakita sa paddle mula sa Aegis Juris Frat Library @dwiz882 pic.twitter.com/mTpU6HO5jm
— Jonathan Andal (@JonathanAndal_) October 13, 2017
Matatandaang nagpalabas ng search warrant ang Manila Regional Trial Court (RTC) upang pahintulutan ang mga operatiba ng MPD na magsagawa ng pagsaliksik sa loob ng Aegis Juris library kung saan pinaniniwalaang isinagawa ang hazing kay Atio.