Binalewala ni Rizalito David, isa sa mga nagsampa ng disqualification case laban kay Senador Grace Poe ang negatibong resulta ng DNA test nito.
Ayon kay David, hindi naman importante sa kasong isinampa niya laban kay Poe ang resulta ng DNA test.
Mas importante aniyang tutukan ang istratehiyang ginagamit ngayon ng kampo ni Poe na palaging humingi ng palugit o mas mahabang panahon sa pagsagot o pagsumite ng mga hinihingi sa kanila ng korte.
Duda ni David, hindi titigilan ng kampo ni Poe ang paghingi ng extension hanggang dumating ang petsa na kailangan nang ipa-imprenta ang mga balota at mapasama doon ang pangalan ni Poe.
“They are just buying time para umabot ng hanggang December 10 kung hindi nareresolba ang kaso puwede silang manghingi ng karapatan na yung pangalan ni Grace Poe Llamanzares ay maisama sa balota, kapag naisama yan sa balota sa pagtakbo niya bilang Pangulo, ang kanilang strategy ngayon yung lagi nilang iginigiit na let the will of the people decide.” Ani David.
Una rito ay negatibo ang naging resulta ng DNA testing na isinagawa ng kampo ni Senador Grace Poe sa kanilang pagsubok na mahanap ang tunay na pamilya nito at mapatunayang tunay siyang Pilipino.
Tumanggi naman si Poe na tukuyin kung sino ang mga nagpakilalang kaanak na kinunan ng sample para sa DNA test.
Ayaw na aniya niyang guluhin pa ang buhay ng mga ito dahil nag-negatibo naman ang DNA test.
Binigyang-diin ni Poe na hindi naman nakabase sa DNA test ang kanyang laban kaugnay ng disqualification case laban sa kanya.
Nabatid na dalawang beses nang nagpa-DNA test si Poe at parehong negatibo ang resulta nito.
Not a nuisance
Samantala, kumpiyansa si Rizalito David na hindi siya maidedeklarang nuisance candidate ng Commission on Elections (COMELEC) para sa kanyang pagtakbo bilang Pangulo ng Pilipinas.
Ayon kay David, maaaring wala siyang sapat na pera subalit mayroon siyang constituency dahil siya ang napiling presidentiable ng Catholic Charistmatic Community.
Napatunayan na anya nila ito noong tumakbo siyang senador sa ilalim ng Kapatiran Party noong 2013.
“Yes isusuko natin lahat ng legal ways para labanan ang magiging maling desisyon na yun, alam niyo hindi lang naman peculiar sa akin yan dahil meron pong kilala ding ibang tao na nadalhan din po sila ng sulat na yun, sa amin pong pag-file ng aming mga sagot sa petisyon na yan hinihingi din po namin ang sagot ng COMELEC, ano ba talaga ang inyong naging basehan?” Pahayag ni David.
By Len Aguirre | Ratsada Balita | Meann Tanbio | Cely Bueno (Patrol 19)