“Wala na ang malaking balakid sa kapayapaan”
Ito ang binigyang diin ng Department of National Defense (DND) matapos ang pagkamatay ni Communist Party of the Philippines (CPP) founding Chairman Jose Maria Sison.
Ayon sa DND, ngayong wala na si Sison, maari nang mabigyan ng pagkakataon ang matagal nang inaasam ng lahat na makamit ang tunay na kapayapaan partikular na sa mga liblib na lugar na apektado ng insurhensya.
Una nang kinumpirma ni CPP chief information officer Marco Valbuena, na pumanaw ang kanilang founding chairman ganap na alas-8:40 kagabi.
Giit ng Defense Department, isang senyales lamang ng tuluyan nang pagbagsak ng CPP-NPA-NDF ang pagkawala ni Sison, na siyang nagtatag ng rebeldeng grupo upang makuha ang kapangyarihan sa marahas at maling paraan.
Sinabi pa ng ahensya, na dahil sa pagkawala ng CPP founder, naipagkait sa mga Pilipino ang oportunidad na mapanagot ang puganteng ito sa kanyang mga nagawang karahasan at paglabag sa batas.
Dagdag ng DND, na si Sison responsible sa pagkamatay ng mga inosenteng sibilyan, sundalo, Pulis, bata at mga youth combatants dahil lamang sa kanyang baluktot na ideolohiya.
Kasabay nito, muling nanawagan ang gobyerno sa mga natitirang NPA member na magbalik loob na sa pamahalaan at talikuran na ang kanilang mga maling paniniwala.