Walang pang natatanggap na impormasyon si Defense Secretary Delfin Lorenzana kaugnay ng dalawang (2) surveillance ship ng China na nag-iikot umano sa karagatan ng Pilipinas.
Ayon kay Lorenzana, kanila pang aalamin ang katotohanan sa nasabing ulat.
Gayunman, iginiit ng kalihim, dapat inaabisuhan ng lahat ng uri ng barkong pandigma mula sa anumang bansa ang pamahalaan kung dadaan sa exclusive economic zone (EEZ) ng Pilipinas.
Aniya, tanging pinapayagan lamang maglayag sa EEZ ng bansa bilang tinatawag na innocent passage ang mga commercial ships at hindi na kinakailangan pang humingi ng permiso sa pamahalaan.
Magugunitang hindi ito ang unang pagkakataon na dumaan sa karagatang sakop ng Pilipinas ang mga barkong pandigma ng China nang hindi nagpapaalam sa otoridad.