Tinitignan na ng Department of National Defense (DND) ang posibilidad na mga dayuhang terorista ang siyang nasa likod ng pagpapasabog sa Jolo Cathedral.
Ito ay matapos na sabihin mismo ni Pangulong Rodrigo Duterte na mag asawang suicide bomber ang nagpasabog sa naturang simbahan.
Ayon kay Secretary Delfin Lorenzana, may ilang impromasyon silang tinanggap mula sa intelligence sources sa Mindanao region na ang pambobomba ay kagagawan ng mag-asawang Yemeni.
Kabilang sa isinasailalim sa validation ay ang nagkapira-pirasong bangkay sa may pinto ng simbahan na hinihinalang isang dayuhan.
AFP naniniwala na dayuhang terorista posibleng nasa likod ng pambobomba sa Jolo cathedral
Naniniwala ang Armed Forces of the Philippines (AFP) na kung suicide bombing nga ang naganap sa Jolo cathedral ay posibleng mga dayuhang terorista ang siyang gumawa nito para sa mga Abu Sayaf Group.
Ayon kay AFP Chief General Benjamin Madrigal, Jr., sa ngayon ay wala pang pilipinong maaring magsagawa ng suicide bombing dahil posibleng hindi pa ganuon kalalim ang indoktrinasyon ng naturang mga teroristang grupo.
Nilinaw din ni Madrigal na hindi pa tuluyang isinasantabi ng militar ang anggulong suicide bombing tulad ng naging pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Aniya, malaki rin ang posiblidad nito lalo pa’t may sariling mga sources ng impormasyon ang pangulo.
Una nang tinukoy ng pangulo na mag-asawa ang siyang na sa likod ng marahas na pagpapasabog sa Jolo cathedral kung saan umabot sa mahigit 20 ang nasawi habang higit 100 iba pa ang nasugatan.
—-