Isinusulong ni Defense Secretary Delfin Lorenzana na makabilang ang Kalayaan group of islands sa saklaw ng mutual defense treaty sa pagitan ng Amerika at Pilipinas.
Ito’y kasunod ng pagtitiyak ni US Ambassador to the Philippines Sung Yung Kim na poprotektahan ng Amerika ang Pilipinas bilang isa sa mahigpit nilang kaalyado sa Timog-Silangang Asya.
Batay aniya sa umiiral na tratado, “Metropolitan Philippines” lamang o ang kasalukuyang teritoryo ang maaaring saklolohan ng Amerika sa panahon ng pag-atake rito.
Dahil dito, hindi kasama sa mga poprotektahan ng Amerika ang Kalayaan group of islands na bahagi ng pinag-aagawang teritoryo ng iba’t ibang mga claimant countries sa South China gayundin sa West Philippine Sea.
Kaya naman binigyang diin ng kalihim na dapat na marepaso ang naturang tratado upang palakasin ang ugnayan sa pagitan ng dalawang bansa.