Pag-aaralan muna ng Department of National Defense (DND) ang naging banta ni Pangulong Rodrigo Duterte na tuluyan nang kanselahin ang Visiting Forces Agreement (VFA) sa pagitan ng Pilipinas at Amerika.
Ito’y sa sandaling hindi ibalik ng pamahalaan ng Amerika ang binawing US visa ni Senador Ronald Dela Rosa dahil sa pagpapakulong umano nito kay Sen. Leila De Lima.
Ayon kay Defense Secretary Delfin Lorenzana, didistansya muna siya sa isyu lalo’t masyado pang maaga para siya’y magkomento hinggil dito.
Una rito, inihayag ni Senadora Imee Marcos na nakatanggap siya ng impormasyon na kanselado na rin maging ang visa ni Lorenzana.
Sagot naman ng kalihim, hindi niya ito alam dahil wala namang abiso sa kaniya ang mga kaibigan nito mula sa embahada ng Amerika sa Pilipinas. — ulat mula kay Jaymark Dagala (Patrol 9)