Pinagpapaliwanag ng Commission on Audit (COA) ang Department of National Defense (DND) kaugnay sa hindi pa nagagamit na halos P3 million para sa mga sundalong naapektuhan ng bagyong Yolanda at magnitude 7.2 na lindol sa Central Visayas nuong 2013.
Batay sa 2019 annual audit report ng DND, ang P2.14 million na hindi nagamit na pondo ay mula sa Office of the President (OP) na inilaan para sa 151 sibilyan at military personnel na naapektuhan ng mga naturang kalamidad.
Umaabot naman sa halos P2.3 million mula sa kabuuang halos P4.5 million na nagmula rin sa tanggapan ng pangulo ang inilaan sa iba pang beneficiraies.
Ayon pa sa COA, hindi pa nailalabas ang second tranche ng pondo galing sa tanggapan ng pangulo dahil sa kabiguan ng DND na ma-liquidate ang mga naunang inilabas na pondo.
Ipinaliwanag din ng COA na ang eligible beneficiaries ng tulong ay tatanggap ng P100,000 para sa totally o heavily damaged houses o kaya naman ay P30,000 para sa partially damaged houses.
Subalit nadiskubre ng COA na 76 lamang mula sa kabuuang 151 beneficiaries ang nakatanggap ng financial assistance.