Patuloy ang ginagawang imbestigasyon ng Defense Department hinggil sa mga nangyaring pagsabog sa isang kampo Militar sa Indanan, Sulu nuong Biyernes
Ito ang inihayag ng Department of National Defense kasabay ng kanilang pagtitiyak na hindi nila titigilan ang pagtugis sa sinumang nasa likod ng malagim na pangyayari upang mapanagot sa kamay ng batas
Magugunitang 6 ang kumpirmadong nasawi kabilang na ang 3 sundalo at 3 sibilyan habang sugatan naman ang may halos 20 sa pag-atake ng isang paksyon ng Abu Sayaf sa pamumuno ni Hatib Hajan Sawadjaan
Batay sa kalatas na inilabas ng Defense Department, umaapela rin ito sa publiko na maging mapagmatyag at mapagbantay upang maiwasang maulit pa ang nasabing pangyayari
Bilang isang bansa, kinakailangang magkaisa na ang bawat Pilipino na kundenahin ang Ideolohiya ng mga Foreign Extremist na siyang hadlang sa pagtatamo ng kapayapaan partikular na sa Mindanao
Nangyari ang naturang pagsabog sa kampo ng bagong tatag na 1st Combat Brigade Command gayundin ay kasabay sa pagpapalit naman ng pamunuan ng Western Mindanao Command