Wala pang opisyal na rekomendasyon ang Department of National Defense (DND) kaugnay ng pagtatanggal na ng martial law sa Mindanao.
Ayon kay National Defense spokesperson Arsenio Andolong, nagpapatuloy pa ang kanilang ginagawang assessment sa lagay ng seguridad at sitwasyon sa ilang mga lugar sa Mindanao.
Gayundin, nagpapatuloy aniya ang kanilang konsultasyon sa mga lokal na pamahalaan at mga security forces na nasa ground.
Binigyang diin naman ni Andolong na kung naipasa lamang sa nakaraang 17th Congress ang pag-amyenda sa Human Security Act, posibleng inirekomenda na agad ni Defense Secretary Delfin Lorenzana ang pag-alis ng martial law sa Mindanao.
Magugunitang tatlong beses nang pinalawig ng kongreso ang idineklarang martial law ni Pangulong Rodrigo Duterte matapos naman ang pagkubkob ng Maute group sa Marawi City noong May 2017.