Walang nakikitang pangangailangan ang Department of National Defense o DND na palakasin ang presensya ng militar at maglagay ng base sa pinag – aagawang Spratlys.
Ayon kay Defense Secretary Dlefin Lorenzana, mas gumaganda ang relasyon sa pagitan ng China at mga miyembro ng Association of Southeast Asian Nations o ASEAN matapos ito magpahayag ng commitment na madaliin ang gagamiting Code of Conduct sa South China Sea.
Paliwanag ni Lorenzana, walang dahilan na maghigpit ng seguridad ang Pilipinas sa Spratlys dahil walang anumang banta ng pag – atake.
Nakabatay din aniya ang desisyon sa pangako ng mga miyembrong bansa ng ASEAN na kanilang igagalang ang sobereniya ng bawat isa at pagpapatuloy ng diyalogo para sa masolusyunan ang usapin sa agawan ng teritoryo.
Dagdag ni Lorenzana, magbibigay – daan din ito sa walang tigil na konstruksyon at pagsasaayos ng mga pasilidad sa Pag – asa Island na isa sa mga islang inuukupa ng Pilipinas sa Spratlys.