Dapat bigyan muna ng pagkakataon na maipatupad ang ‘doble plaka law’ bago husgahan kung makakasama o hindi.
Reaksyon ito ni Senador Richard Gordon, may-akda ng Motorcycle Crime Prevention Act sa pahayag ng Pangulong Rodrigo Duterte na susupendihin niya ang pagpapatupad ng batas.
Ayon kay Gordon, handa siyang makipag-usap sa pangulo upang ipaliwanag ang nilalaman ng batas.
“Conduction sticker okay na sa akin ‘yun eh, puwede ‘yun eh, kapag nakita mong lumalakad papunta sayo halimbawa agawan ka ng cellphone, may makikita kang kulay agad, color-coded ito, so alam mo halimbawa kung asul ang pinili ng LTO Mnaila ‘yun, kung pula galing sa Central Luzon, kung berde maaaring galing sa ibang lugar, so may laban na, at limang number lang ang gusto natin, alpha numeric lima lang hindi lalagpas, kaya hinahati-hati natin puwedeng iba-ibang number na iba-ibang kulay may mahahabol at may 24-hour notice.” Ani Gordon
Iginiit ni Gordon na ang publiko ang makikinabang sa batas na ito dahil ang layunin nito ay mapahinto ang mga krimen kung saan mabilis na nakakatakas ang mga kriminal dahil sa paggamit ng motorsiklo.
“Hindi mo puwedeng baguhin ‘yun kailangang amyendahan with all due respect to the President, alam ko syempre ako rin kung minsan kapag humaharap ako sa maraming tao ay sasabihin mo sa lahat na susubukan mo, kung babaguhin natin sa susunod na taon, puwede po nating baguhin ‘yan ako mismo ang magbabago kapag hindi nag-work, pangako ko ‘yan.” Pahayag ni Gordon
EO on ‘doble plaka law’
Umaasa naman ang Motorcycle Rights Organization (MRO) na maglalabas sa lalong madaling panahon ng executive order (EO) ang Pangulong Rodrigo Duterte para suspindihin ang ‘doble plaka law’.
Ayon kay Jobert Bolanos, Chairman ng MRO, sakaling lumabas na ang implementing rules and regulations (IRR) para sa ‘doble plaka law’ at wala pa ang EO ng Malacañang ay hihingi sila ng temporary restraining order (TRO) sa Korte Suprema.
Iginiit ni Bolanos na maliban sa mapanganib, sobra-sobra rin ang multa na isinasaad ng batas para sa mga motorcycle riders.
(Ratsada Balita Interview)