Muling tiniyak ng Department of Energy (DOE) na mayroong sapat na power supply ang bansa sa mismong araw ng eleksyon sa Mayo 9.
Gayunman, aminado si Energy Undersecretary Mylene Capongcol na walang garantiyang hindi magkakaroon ng blackout lalo’t hindi naman nila kontrolado ang sitwasyon.
Kabilang sa mga posibleng maging sanhi ng blackout ang hindi inaasahan at kaliwa’t kanang emergency shutdown ng mga power plant maging ang pambobomba sa mga transmission tower na maka-ilang beses na nangyari sa Mindanao.
Ayon kay Capongcol, naglatag na sila ng mga hakbang upang maiwasan ang posibleng power interruption sa araw ng halalan.
Kabilang na anya rito ang pagbabawal sa scheduled maintenance activities ng mga power plant dalawang linggo bago ang eleksyon at pagtatalaga ng mga pulis at sundalo sa mga pasilidad na madalas targetin ng pambobomba gaya sa Maguindanao, Lanao del Norte, Lanao del Sur, Cotabato at Cagayan de Oro City.
By Drew Nacino