Binalaan ng pamahalaan ang mga kumpaniya ng langis na magsasamantala sa pagpapatupad ng ikalawang balsada ng pagpapataw ng excise tax sa mga produktong petrolyo.
Ayon kay Finance Assistant Secretary Tony Lambino, ipasasara nila ang alinmang gasolinahan sa bansa na magtataas ng kanilang presyo gamit ang kanilang mga lumang stock na langis.
Maliban sa administrative sanctions, maaari rin aniya silang kasuhan ng kriminal tulad ng estafa kung sakaling magmatigas ang mga ito.
Ipinaliwanag naman ni Energy Usec. Wimpy Fuentebella, hindi pa dapat maramdaman ngayong buwan ang dagdag presyo sa langis dahil sa TRAIN 2 dahil may naka-imbak pa sila sa imbentaryo.
“Ang good news po, hindi pa po siya mararamdaman ng ating mga kababayan dahil yung mga retail stock ng mga gasolinahan po, karamihan diyan ay meron pang old stocks so ibig sabihin, yung pagbiyahe ng new stocks doon sa refinery doon sa mga gasolinahan at maramdaman ng ating mga kababayan ay pwedeng Jan 8, 15, 22 or 29, depende po kung kalian maubos yung old stocks.”
Ipinaliwanag din ni Fuentebella na dapat munang abisuhan ng mga gasolinahan ang mga motorista bago nila ipataw ang dagdag na buwis.
“Ang good news din ay bago mag implement ang gasolinahan ng dagdag na koleksyon ng excise taxes, ay hiningi po natin sa ating mga gasolinahan ang mga responsibilidad nila na maglagay ng anunsyo o magpost katulad ng paglalagay nila ng tarpaulin doon by 1 meter at sasabihin na nag iimpose na kami ng excise tax sa gasoline at sa susunod na araw, sa diesel, at sa susunod na araw, sa kerosene.. nang sa ganon ay magkaroon ng transparency.”
(from Todong Nationwide Talakayan interview)