Pina-alalahanan ng Departments of Energy at Trade and Industry ang mga kumpanya ng langis at traders na otomatikong ipatupad ang price freeze sa mga lugar na nasa ilalim ng State of Calamity.
Sa gitna ito ng malawak na pinsalang idinulot ng bagyong Karding sa iba’t ibang lugar sa Luzon.
Nagbabala ang DOE at DTI na posibleng maharap sa reklamo o pagkakulong ang sinumang lalabag sa price freeze.
Ayon kay DOE – Oil Industry Management Bureau director Rino Abad, agad silang maglalabas ng advisory sa mga lugar na ilalagay o isinailalim sa State of Calamity.
Nakikipag-ugnayan naman ang DTI sa Office of Civil Defense upang makakuha ng suhestyon kaugnay ng price stabilization measures sa mga lugar na malubhang nasalanta ng kalamidad.
Nilinaw ni DTI undersecretary, Atty. Ruth castelo na saklaw lamang ng automatic price freeze ang basic necessities.