Sa halip na iba ang tutukan at atupagin ng Department of Energy (DOE), dapat nilang pagtuunan ng pansin ang paghahanap ng agarang solusyon sa krisis sa enerhiya.
Ayon kay Senator Nancy Binay, dapat na mag-focus muna ang Energy Department sa problema na dapat matagal nang natugunan.
Sa ngayon anya ay pinag-aaralan kung pansamantala munang i-suspendi ang pinapataw na excise tax sa mga produktong petrolyo.
Una rito, nagbabala na anya ang Independent Electricity Market Operator of the Philippines at maging ang NGCP hinggil sa pagnipis ng power supply sa Luzon mula ngayong buwan ng Marso hanggang sa Hunyo, saklaw nito ang panahon ng eleksyon.
Giit ni Senator Binay, ramdam na ang pagnipis ng supply ng kuryente dahil na rin sa pagpasok ng summer season, dagdag pa ang inaasahang pagtaas ng presyo ng kuryente dahil na rin sa pagsipa ng presyo ng diesel at bunker fuel dulot ng Russia Ukraine crisis.
may direktang epekto anya ang mataas na presyo ng diesel at bunker fuel dahil ilang power plants sa ating bansa ay gumagamit ng diesel at bunker fuel.
Giit ni Binay kailangan natin ng agarang tugon at praktikal na solusyon sa back-to-back o twin power crisis scenario
Ang kailangan anya ay madaliin natin ang proseso ng pagtatayo, testing, at commissioning para sa mga bagong planta at mag-explore din ng mga viable renewable sources na maaari nang ikasa sa lalong madaling panahon.