Iniimbestigahan na ng Department of Energy (DOE) ang posibleng sabwatan ng mga power firm sa gitna ng rotational power outages na naranasan sa Luzon noong isang linggo.
Inamin ni Energy Secretary Alfonso Cusi sa Senate Committee on Energy na ang pinaka-dahilan ng rotational brownout ay ang puwersahan at biglaang outages ng ilang malalaking planta na nagseserbisyo sa Luzon.
Ayon kay Cusi, nagpasaklolo na sila sa Department of Justice, Philippine Competition Commission at Energy Regulatory Commission upang mabatid kung nagkaroon ng sabwatan.
Sakali anyang mapatunayan ay mahaharap sa kaso ang sinumang responsable.
Una nang inihayag ng kagawaran na maaaring tumagal hanggang ngayong linggo ang red alert power status sa Luzon kung hindi naka-full operation ang mga planta. -–sa panulat ni Drew Nacino