Nasa kamay na ng mga susunod na administrasyon at kongreso kung itutuloy ang National Nuclear Energy Program o hindi.
Ito ang binigyang-diin ni Energy Undersecretary Gerardo Erguiza matapos lagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Executive Order 164 upang i-develop ang nuclear program at isama sa alternatibong energy source ng bansa.
Ayon kay Erguiza, napapanahon na ang pagsusulong sa paggamit ng nuclear energy na hindi hamak na malinis at mura kumpara sa ibang energy source, tulad ng coal at langis, lalo’t hindi maawat ang pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo.
Samantala, bukod sa Bataan Nuclear Power Plant, na mahigit tatlong dekada nang naka-tengga, labinlimang iba pa anyang lugar ang tinukoy ng DOE na maaaring pagtayuan ng panibagong planta.