Dapat na maghanda ng contingency measure ang Department of Energy (DOE) at National Electification Administration (NEA) ngayong lumakas at naging tropical storm si ‘Ambo’, ang kauna-unahang bagyo na pumasok sa bansa ngayong taon.
Ito ang panawagan ni senate committee on energy chairman, Sen. Sherwin Gatchalian makaraang igiit na nakaranas ng power outages ang ilang lugar sa Metro Manila sa kabila ng paniniyak ng Meralco na stable ang power grid at may sapat na supply ng kuryente ngayong summer.
Ayon kay Gatchalian, dapat gumawa ng kaukulang contingency plans ang DOE at NEA para mapigilan ang anumang posibleng brownout sa panahon ng pagragasa ng bagyo.
Maaari aniyang maglagay ng naka-standby na emergency response organization ang Meralco para may agarang makakaresponde kung kinakailangan.
Ang Bagyong Ambo ay inaasahang papasok sa Bicol region, Southern Luzon, Central Luzon at Metro Manila. — ulat mula kay Cely Ortega-Bueno (Patrol 19)