Pinag aaralan ng Department of Energy kung irerekomenda nilang ideklara na ring holiday ang May 14 o isang araw matapos ang eleksyon.
Ito ay dahil sa pinangangambahang pagnipis ng suplay ng kuryente sa kasagsagan ng pagbibilang ng mga boto.
Ayon kay Director Mario Marasigan ng DOE Electric Power Industry Management Bureau, wala silang nakikitang kakulangan sa araw mismo ng eleksyon dahil deklarado na itong holiday kaya’t walang pasok sa mga tanggapan.
Gayunman, posible anyang biglang tumaas ang demand pagbalik ng mga manggagawa sa trabaho pagkatapos ng eleksyon.
Batay sa timeline ng COMELEC, itinakda ang Mayo 13 hanggang May 16 para sa pagbibilang ng resulta ng eleksyon mula sa mga presinto at proklamasyon ng mga nanalong city at municipal elective officials.
Samantala, mula May 17 hanggang 19 naman ang canvassing at proklamasyon ng mga nanalo sa senatorial, congressional, partylist, regional at provincial elections.