Pinagpapaliwanag ni Kabataan Partylist Representative Terry Ridon ang Department of Energy (DOE) kung saan napunta ang bilyong pisong royalties na nakuha ng gobyerno mula sa Malampaya gas reserve.
Sa pagdinig ng 2016 budget ng DOE sa Kamara, tinukoy ni Ridon ang inihayag noong isang taon ni dating COA Chair Grace Pulido Tan na P33 billion pesos mula sa P170 billion pesos na nai-release na sa iba’t-ibang ahensya ng gobyerno noong June 2013.
Sa nasabing halaga umano nagmula ang P900 million pesos na naipalabas sa mga bogus NGO’s.
Bukod dito, sinabi ni Ridon na wala pa ring naipapalabas na detalyadong accounting ang Aquino administration sa P32 billion peso Malampaya fund na naipalabas sa ilalim nito.
Taun-taon naman aniyang ginagamit ng Malakaniyang ang nasabing pondo subalit hindi naipapaliwanag ng maayos kung saan napupunta ang Malampaya funds.
By Judith Larino