Pinasuspinde na ng Department of Energy (DOE) sa mga oil company ang ikalawang round ng excise tax sa mga produktong petrolyo sa Enero 1 ng susunod na taon.
Ayon sa DOE, may stock pa naman ang mga kumpanya ng langis na tatagal ng labinlimang araw hanggang isang buwan kaya’t dapat munang suspendihin ang pangongolekta ng dalawang pisong dagdag sa kada litro.
Pinagsusumite ng kagawaran ang mga oil company ng inventory year-end report hanggang Disyembre 31 upang mabatid kung kailan dapat patawan ng mas mataas na buwis ang kanilang mga produkto.
Batay sa ikalawang bugso ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion Act, inaasahang madaragdagan ng dos pesos ang excise tax sa presyo ng kada litro ng gasolina at diesel; piso sa kada kilo ng LPG at kada litro ng kerosene.
Bukod pa ito sa value added tax sa presyo ng kada litro ng mga petroleum product.