Muling nanawagan ang Department of Energy (DOE) sa publiko na patuloy na magtipid sa kuryente sa kabila ng pagbabalik normal ng suplay ng kuryente sa Luzon Grid.
Ito ang apela ni resigned Energy Secretary Carlos Jericho Petilla matapos ideklara ang yellow alert o pagnipis sa suplay ng kuryente kahapon kasabay ng kaniyang huling araw sa puwesto.
Sinabi ni Petilla, malaking bagay pa rin ang tulong na nagmumula mismo sa mga konsyumer sa pamamagitan ng hindi paggamit ng mga appliances sa tinatawag na hora de peligro o sa mga oras na mataas ang demand sa enerhiya.
Bukod pa ito sa sobrang suplay ng kuryenteng nakukuha ng Luzon Grid mula sa Visayas Grid at sa mga plantang agad naisasaayos.
“Yung iba ayaw mag-conserve, naiintindihan naman natin, pero kung gusto nating tulungan ang buong bayan, during the time na mainipis ang reserve natin, mag-conserve din tayo.” Ani Petilla.
Hydropower Plant
Pinawi naman ng Department of Energy ang pangamba ng publiko na baka maapektuhan ang suplay ng kuryente sa Metro Manila sa sandaling magtigil operasyon ang Angat Hydro Electric Plant sa Bulacan.
Ito’y kung magtutuluy-tuloy hanggang sa 160 meters ang lebal ng tubig sa Angat Dam na siyang pinagkukunan ng enerhiya ng nasabing planta.
Sa panayam ng DWIZ, sinabi ni resigned Energy Secretary Jericho Petilla, maliit lamang ang naisusuplay na kuryente ng Angat kaya’t hindi nito maaapektuhan ang malaking bahagi ng Luzon Grid.
Batay sa pinakahuling tala ng PAGASA Hydromet Division, nasa 170.35 meters na ang lebel ng tubig sa Angat Dam na mas mababa ng .21 meters mula sa 170.56 meters noong Lunes.
“Ang bilang namin sa Angat niyan is 50 megawatts lang, itong malalaking 350, 135, 250, ito talaga ang binabantayan natin.” Pahayag ni Petilla.
Mindoro Brownout
Tiniyak ng Department of Energy o DOE ang pangmatagalang solusyon sa problema sa enerhiya sa Occidental Mindoro.
Kasunod ito ng reklamo ng mga residente roon dahil sa ilang dekada nang nararanasang brownout sa kanilang lugar.
Muling iginiit sa DWIZ ni resigned Energy Secretary Jericho Petilla, hindi madaling solusyunan ang problema sa enerhiya at patuloy itong pinagsusumikapan ng ahensya.
Kahapon, tumulak si Petilla sa Mindoro para ilahad sa mga taga-Mindoro ang plano ng ahensya para sa kanila.
“So far naman wala naman kaming nakikitang mga tanong na matitigas at lahat naman cooperative, 17 years sila na bugso bugso ang kuryente nila, I’m giving them a plan na by the end of 2016 eh ayos na ito, kaya lang ang sabi ko ay huwag nating madaliin kasi long term naman ang habol natin dito, hindi short term.” Pahayag ni Petilla.
Palawan Power
Nakiusap naman si resigned Energy Secretary Jericho Petilla ang Palawan Electric Cooperative o PALECO na lutasin ang nararanasang kakapusan sa suplay ng kuryente sa lalawigan ng Palawan.
Sa panayam ng DWIZ, sinabi ni Petilla na nagtataka siya kung bakit kinailangan ng PALECO na magdeklara ng power crisis sa lalawigan gayung wala namang pondong mailalabas para rito.
Kasabay nito, nilinaw din ni Petilla na walang kinalaman ang hirit ng pamahalaang panlalawigan ng Palawan na makabahagi sa kita ng Malampaya Fund
“Meron isang supplier diyan na supposed to be magbibigay ng 25 megawatts eh minsan 4 megawatts lang naibibigay niya, pero hindi din sila makaalis sa kontrata, so inaayos lang natin itong kontrata na ito, this is a contractual problem.” Dagdag ni Petilla.
Dahil dito, sinabi ng kalihim na may iba ang solusyon para maresolba ang problema sa lalawigan.
“Lutasin na lang ang problema, hanapin kung sino ang may kulang, pagdiinan sa kanila ang penalty o i-breach ang contract, palitan ang supplier, parang ganyan ang solusyon dito.” Paliwanag ni Petilla.
By Jaymark Dagala | IZ