Nilinaw ng Department of Finance o DOF na hindi magiging mabigat para sa mga Pinoy ang epekto ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) Law ng administrasyon.
Ayon kay Finance Secretary Carlos Dominguez, magiging maganda pa rin para sa mga Pinoy ang pagpapatupad ng TRAIN dahil sa mga benepisyo nito sa pamamagitan ng mga proyekto at imprastraktura at serbisyo na magmumula sa buwis na makukuha ng gobyerno.
Mapopondohan aniya ng pamahalaan ang pagpapatayo ng maraming imprastraktura, lupang sakahan, paaralan at ospital dahil sa makukuhang buwis sa ilalim ng TRAIN Law.
Iginiit din ng kalihim na hindi ‘anti-poor’ ang nasabing batas dahil mas malaki ang maiuuwing pera ng mga manggagawa bunsod ng pagbaba ng income tax at hindi naman ito mauubos o matatalo ng pagtaas ng ilang bilihin lalo’t maliit lamang ang itataas ng mga ito.
Magkakaroon din ng cash transfer ang pamahalaan sa mahihirap na mamamayan o sa mga ‘poorest of the poor’.