Nananawagan ng mas maigting na iisang aksyon si Finance Secretary Carlos Dominguez III para matupad ang global commitment ng bansa sa pagbababa ng carbon footprint na magsisimula sa layuning ipagbawal ang single use plastics lalo na’t isa ang Pilipinas sa mga matitinding naaapektuhan ng climate crisis.
Binigyang diin ni Dominguez, chairperson designate ng Climate Change Commission na dapat mataas ang layunin ng bansa at magsumikap na maging world leader at gumawa ng kakaiba sa laban kontra climate crisis sa pamamagitan nang pagbuo ng science-based, well-studied Nationally Determined Contribution bilang bahagi ng long term commitment sa ilalim ng 2015 Paris agreement.
Ito aniya ang dahilan kaya’t kailangang kumilos at gumawa ng mas matinding hakbangin sa pagbuo ng unang NDC at mas mabuting mahuli para magkaroon ng mas ambisyoso at pinag-isipang mga kontribusyon kaysa bara bara at walang sustansyang kontribusyon na isinumite sa takdang panahon at wala ring pangkalahatang consensus dito.
Nakapaloob sa NDC ang mga efforts ng mga signatories sa Paris agreement para mabawasan ang national emissions at makapag-adapt sa mga epekto ng climate change.
Taong 2017 nang i-ratify ng Pilipinas ang Paris agreement na nagtatakda ng global framework hinggil sa climate change mitigation, adaption and finance.