Positibo ang Department of Finance (DOF) na aahon mula sa kahirapan ang higit sa 14 milyong Pilipino bago matapos ang termino ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa 2028.
Para kay Finance Secretary Ralph Recto, dahil ito sa “bright economic outlook” ng Pilipinas.
Ayon kay Sec. Recto, suportado ng ekonomiya ng bansa ang mas bukas at liberalized na patakaran pagdating sa pamumuhunan.
Mapapansing walang-humpay ang pagsisikap ni Pangulong Marcos sa pangangalap ng investments at pagpapadali sa proseso ng pagnenegosyo. Nakaaambag ang mga ito sa paglikha ng mas maraming oportunidad para sa mga Pilipino at sa paglago ng ekonomiya.
Kabilang sa growth-enhancing strategies ng administrasyong Marcos na magpapatuloy sa paglago ng ekonomiya ang pagpapanatili sa price stability, pagsunod sa fiscal discipline, at pagsusulong ng investments sa productivity-enhancing sectors.
Ayon sa Finance secretary, ang mga estratehiyang ito ang magbibigay sa bansa ng upper-middle income status sa 2025 na magpapaangat sa buhay ng mga Pilipino.
Bukod sa pagsabay sa pandaigdigang ekonomiya, lumilinang din ang mga inisyatiba ni Pangulong Marcos sa mga talento at kakayahan ng kabataang Pilipino na makatutulong upang magkaroon sila ng magandang trabaho at makapagbigay ng maunlad na buhay para sa kanilang pamilya.