Itinanggi ng Department of Health (DOH) Regional Office sa Zamboanga Peninsula na pitong kaso na ng polio ang naitala sa kanilang lugar.
Ayon kay Dr. Emilia Monicimpo, direktor ng DOH-Region 9, ang mga ipinasuri nilang 15 samples sa Research Institute for Tropical Medicine (RITM) ay bahagi ng kanilang surveillance para sa Acute Flaccid Paralysis (AFP).
Ang AFP anya ay isang uri ng sakit kung saan biglang nanghihina ang isang bahagi ng katawan ng mga batang may edad 15 years old pababa.
Sinabi ni Monicimpo na sa 15 samples, nagnegatibo na sa AFP ang walo sa mga ito.
Samantala, posible naman anyang sa susunod na linggo pa nila matanggap ang resulta para sa pitong iba pa.
Sa ngayon anya ay wala pang kumpirmadong kaso ng polio sa Zamboanga Peninsula tulad ng napaulat.