Aminado ang Department of Health (DOH) na hindi tama at mapanganib ang paggamit ng mga palaka upang mapigilan ang pagdami ng kaso ng Dengue sa bansa.
Ito ay matapos magpapakawala ang mga opisyal ng Sapang Kangkong, Brgy. Old Balara, Quezon City ng nasa 100 palaka sa mga kanal at damuhan sa kanilang lugar na posibleng breeding site ng mga lamok na may dalang dengue.
Ayon kay DOH OIC, Undersecretary Maria Rosario Vergeire, hindi epektibo at maaaring makasira sa kalikasan maging sa mga residente ang ginawang aktibidad sa nabanggit na lugar.
Iginiit ni Vergeire na nagpalabas na ng Joint Statement ang Health, Environment at Interior Departments para abisuhan ang publiko hinggil sa scientific solutions upang masugpo ang dengue.
Sa ngayon umabot na sa 73,000 ang naitatalang kaso ng dengue sa Pilipinas ngayong taon kung saan, kabilang sa tatlong rehiyon na may mataas na kaso ng dengue ang Region 3, Region 2, at National Capital Region (NCR).
Kaugnay nito, patuloy na nakikipag-ugnayan sa mga lokal na pamahalaan ang DOH para sa pagsasagawa ng 4S strategy kontra dengue kabilang na ang Search and Destroy mosquito breeding sites; Secure Self-protection; Seek early consultation at Support community fogging or Spraying in high-case areas.