May mga inilatag na hakbang na ang Department of Health o DOH laban sa mga posibleng masamang epekto ng anti-dengue vaccine na dengvaxia mula nang simulan itong gamitin noong isang taon.
Ayon kay Health Assistant Secretary Dr. Eric Tayag, handa ang Pilipinas sa “worst case scenario” makaraang ibunyag ng mismong manufacturer nitong Sanofi Pasteur na para lamang sa mga nagkaroon na ng sakit na dengue maaaring iturok ang nasabing bakuna.
Kasunod nito, sinabi ni Tayag na nagsasagawa na rin sila ng follow up check-up sa mga batang binakunahan bukod pa sa pansamantalang pagpapatigil ng programa hinggil dito.
Samantala, sinabi naman sa DWIZ ni Health Spokesman Dr. Lyndon Lee Suy na nakipag-ugnayan na sila sa Department of Education o DepEd para bantayan ang mga batang nakatanggap ng nasabing bakuna.
Severe dengue?
Nakatakdang makipagpulong ang mga opisyal ng DOH sa kumpaniyang Sanofi Pasteur na siyang manufacturer ng bakunang dengvaxia.
Ito’y makaraang lumabas sa pag-aaral ng Sanofi hinggil sa posibilidad na magkaroon ng “severe dengue” ang mga batang nabakunahan ngunit hindi pa nagkakaroon ng nasabing sakit.
Ayon kay Duque, nais nilang linawin mismo sa Sanofi kung ano ang ibig sabihin nila ng severe dengue na epekto ng maling pagbabakuna sa mahigit 700,000 mga bata noong panahon ng administrasyong Aquino.
Ito ang dahilan ayon kay Health Spokesman Dr. Lyndon Lee Suy ay kaya’t ipinag-utos ng DOH ang pansamantalang pagpapatigil sa pamamahagi at pagbabakuna sa nasabing gamut.
Nilinaw din ni Dr. Lee Suy na hindi agaran ang epekto ng naturang bakuna sa mga naturukan nito na wala pang history ng dengue.
—-