Rerepasuhin ng Department of Health (DOH) ang mga panuntunan kaugnay sa antigen test para ma-detect ang coronavirus disease 2019 (COVID-19) matapos itong ibasura ng World Health Organization (WHO) para magamit ng mga nagbabyahe.
Sinabi ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire na nagpalabas ng bagong rekomendasyon ang WHO na nagsasabing hindi advisable ang paggamit ng antigen test para sa border screenings.
Una nang pinayagan ng gobyerno ang anti gen test bilang pre boarding requirement para sa asymptomatic domestic tourists bago umalis at magbiyahe sa mga tourist destination o requirement sa pagpasok sa destinasyon depende na rin sa protocol na pinaiiral ng local government unit (LGU).
Sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque na maaari ring magamit ang antigen test sa domestic tourists na naging symptomatic sa kanilang destinasyon kung ang lugar ay walang RT PCR testing na nananatiling gold standard para sa COVID-19 tests.
Ayon sa US Food and Drug Administration kaagad nade-detect ng antigen tests ang mga protein na nasa virus sa pamamagitan ng pag-test sa sample na kinolekta mula sa nasal cavity gamit ang swabs.
Una nang inihayag ng DOH na tina-target nitong ipalabas ang omnibus guidelines para sa COVID-19 testing procedures ngayong linggo subalit ipinabatid ni Vergeire na nagsisilbing bottleneck o chokepoint sa kanila ang inisyu ng WHO ng bagong rekomendasyon nito.
Binigyang diin ni Vergeire na nais nilang pag-aralan pang mabuti ang isyu dahil mayroong suporta para sa paggamit ng antigen test.