Nakatakdang bumili ang Department of Health (DOH) ng mga condom na nagkakahalaga ng 50 hanggang 100 milyong piso bilang bahagi ng kampanya kontra human immunodeficiency virus o HIV.
Ayon kay Health Undersecretary Gerardo Bayugo, naglaan na ang kagawaran ng 1 billion pesos bilang tugon sa problema sa HIV at Acquired Immune Deficiency Syndrome o AIDS sa susunod na taon.
Sa ngayon anya ay mayroong stock na 10 million condoms ang DOH upang ipamahagi sa mga pilot area, partikular sa mga high-risk area sa Metro Manila, CALABARZON at central Luzon regions.
Magugunitang ipinanukala ni Health Secretary Paulyn Ubial ang pamamahagi ng condoms sa mga eskuwelahan dahil sa tumataas na bilang ng kabataang edad 15 hanggang 24 ang nahahawa ng HIV.
Ipinaliwanag ni Bayugo na mababa ang condom use rate sa bansa dahil sa kakulangan ng kaalaman sa naturang sakit, pagkakaroon ng saradong kaisipan sa sex education bukod pa sa parental consent na kailangan para sa edad 15 hanggang 17.
By Drew Nacino