Suportado ng Department of Health o DOH ang planong pagsasampa ng kaso ng Public Attorneys Office o PAO sa mga responsable sa pagbili at pagbakuna sa mahigit 800,000 bata ng dengvaxia vaccine.
Ayon kay Health Secretary Francisco Duque, bukas ang ahensya para sa anumang ayuda na kailangan ng PAO tulad ng mga dokumento o records.
Sa panig ng DOH, sinabi ni Duque na patuloy ang ginagawang validation ng binuo nilang panel of experts mula sa Philippine General Hospital o PGH sa records ng mga bata na nabakunahan ng dengvaxia subalit nasawi dahil sa dengue.
“Matagal ko naman nang sinabi na bukas ang lahat ng aming pintuan sa anumang imbestigasyon na magagnap at kung anumang dokumento, datos at istatistika na kinakailangan ay sadyang ibibigay ito ng DOH ng walang anumang pasubali.” Ani Duque
Samantala, nanawagan si Duque sa mamamayan na huwag mawalan ng tiwala sa bakuna dahil sa kontrobersyang kinasangkutan ng dengvaxia vaccine.
Tuloy-tuloy aniya ang programa ng DOH sa pagbabakuna upang maiiwas sa sakit ang mga bata.
“Ako po ay nananawagan na huwag na huwag po kayong mawawalan ng tiwala (sa immunization programs ng DOH).”
(Ratsada Balita Interview)